Noli Me Tangere (61 page)

Read Noli Me Tangere Online

Authors: JosÈ Rizal

Hindi cacaunti ang ikinagalac sa ganitong bagay ni tía Isabel, na may pag-ibig sa binata at hindi niyá totoong minamagaling ang pag-aasawa n~g canyáng pamangking babae cay Linares. Wala sa bahay si capitang Tiago.

--Pamasoc po cayó,--ang sabi n~g tía sa pamamag-itan n~g caniyáng haluang wicang castila;--Maria, napasauli-uli sa gracia n~g Dios si don Crisóstomo; inalsán siyá n~g "excomunión" n~g Arzobispo.

N~guni't hindi nagatulóy ang binata, naluoy sa canyáng m~ga labi ang n~giti at tumacas sa caniyáng alaala ang salita. Sa tabi n~g durun~gawan, naroon at nacatindíg si Linares sa tabi ni Maria, na pinagsasalitsalít ang m~ga bulaclac at ang m~ga dahon n~g m~ga gumagapang na halaman; nasasabog sa lapag ang m~ga rosa at m~ga sampaga. Nacahilig sa sillón si Maria Clara, namumutla, may iniisip, mapanglaw ang m~ga mata at naglalaro sa isáng paypay na garing, na hindi totoong maputing catulad n~g canyáng maliliit na m~ga daliri.

Sa pagdating na iyón ni Ibarra'y namutla si Linares at namulá ang m~ga pisn~gi ni Maria Clara. Umacmáng buman~gon, n~guni't kinulang siyá n~g lacás tumun~gó at binayaang malaglág ang paypáy.

Isáng hindi maalamang siraing hindi pag-imic ang siyang naghari sa iláng sandali. Sa cawacasa'y nacalacad n~g papasoc si Ibarra at nan~gan~gatal na nacapagsalita.

--Bago lámang acóng cararating, at nagmadali acóng pumarito upáng makita co icáw ... ¡Naratnan cong magaling ang calagayan mo cay sa aking acala!

Tila napipi mandín si Maria Clara; hindi nagsalita n~g cataga man at nananatili sa pagca tun~go.

Pinagmasdan ni Ibarra si Linares n~g mula sa paa hangang sa úlo; tin~ging tinumbasan namán n~g boong pagmamataas n~g mahihiing binata.

--Aba, namamasid cong waláng naghihintay n~g aking pagdating,--ang muling sinabi n~g madalang na pananalita;--Maria, ipatawad mo ang hindi co pagcapasabi sa iyo bago aco pumasoc dito; sa ibáng áraw ay maipaliliwanag co sa iyo ang tungcól sa aking guinawa ... tayo'y magkikita pa ... waláng sála.

Itóng m~ga hulíng salita'y sinamahan niyá n~g isáng tin~gin cay Linares. Itinungháy sa caniya n~g dalaga ang canyáng magagandang m~ga matáng puspós cadalisayan at calungcutan, tagláy ang lálong matinding samo at mapanghalínang pakikiusap, na anó pa't si Ibarra'y huminto sa pagca patigagal.

--¿Macaparirito ba acó búcas?

--Talastás mo nang sa ganáng aki'y laguing ikinatutuwa co ang iyóng pagparito,--ang bahagya n~g isinagót n~g dalaga.

Umalís doon si Ibarrang wari'y panatag ang loob, datapuwa'y, may taglay na unós sa úlo't caguinawán sa púso. Ang bagong namasid niya't naramdaman ay hindi mapaglirip; ¿anó caya iyón? ¿alinlangan? ¿lipas n~g pagsinta? ¿caliluhán?

--¡Oh, sa cawacasa'y babae n~ga!--ang canyáng ibinulong.

Hindi niyá nalalama'y nacarating siyá sa pinagtatayuan n~g paaralan. Malaki n~g totoo ang nayayari sa guinagawang iyón; nagpaparoo't parito sa magcabicabilang maraming nangagsisigawa si ñor Juan, at daladala niya ang canyang metro't ang canyang plomada. Pagcakita sa canyá'y dalidaling siyá'y sinalúbong.

--Don Crisóstomo,--anyá,--sa cawacasa'y dumatíng po cayó: hinihintay cayó naming lahat: tin~gnan po ninyó ang m~ga pader: mayroon nang sampong metro at sampong centímetro ang táas; sa loob n~g dalawáng áraw ay magcacaroon na pantay tao wala acóng tinanggap cung hindi mulawin, dún~gon, ípil, lán~gil; humin~gi acó n~g tíndalo, malatapáy, pino at narra, at n~g magamit sa m~ga pintuan, palababahan at iba pa; ¿Ibig po ba ninyóng makita ang m~ga yun~gib?

Siyá'y binati n~g m~ga manggagawa n~g boong pagpipitagan.

--Narito po ang canal na pinan~gahasan cong idagdág,--ani ñor Juan;--ang m~ga canal pong itó sa ilálim n~g lupa'y patun~go sa isáng pinacatipun na sa icatlompóng hakbáng. Magagamit pong pangpataba sa halamanan; wala po itó sa plano. Hindi po ba minamagaling ninyó ito?

--Tumbalíc, sinasangayunan co at aking pinupuri cayó sa ganitóng inyóng naisipan; cayó po'y tunay na arquitecto; ¿canino cayó nag-aral?

--Sa akin pong sarili,--isinagot n~g matanda n~g boong capacumbabaan.

--¡Ah, bago co malimutan! talastasin n~g m~ga maseselang (sacali't may natatacot makipagsalitaan sa akin) na hindi na acó excomulgado inanyayahan acó n~g Arsobispong sumalo sa canyá sa pagcain.

--¡Abá, guinoo, hindi po namin pinapansin ang m~ga excomunión! Tayo pong lahát ay pawang excomulgado; si pare Dámaso man po'y excomulgado rin, gayón ma'y nananatili sa totoong catabaan.

--¿Anó ang sabi ninyó?

--Tunay po; may isáng taón na pong hinampás n~g tungcód ang coadjutor, at ang coadjutor ay sacerdoteng gaya rin niyá, ¿sino po ang pumapansin sa m~ga excomunion?

Natawanan ni Ibarra si Elías na nasa casamahan n~g m~ga manggagawa; binati siyá nitóng gaya rin n~g iba, n~guni't sa isáng tin~gin ay ipinaunawa sa canyáng may ibig na sabihin.

--Ñor Juan,--ani Ibarra;--¿ibig po ba ninyóng dalhin dito sa akin ang talaan n~g m~ga manggagawa?

Umalís si ñor Juan, at lumapit si Ibarra cay Elías, na mag-isáng bumubuhat n~g isáng malakíng bató at ilinululan sa isáng carretón.

--Sacali't mapagcacalooban po ninyó acó n~g pakikipagsalitaan sa loob n~g iláng oras, maglacádlacád cayó mamayáng hápon sa pampan~gin n~g dagatan at lumulan cayó sa aking bangca, sa pagca't may sasabihin acó sa inyong lubháng mahahalagang bagay--ani Elías, at lumayo pagca tapos na makita niyá ang pagtan~gô n~g binatà.

Dinalá ni ñor Juan ang talaan, n~guni't nawaláng cabuluhán ang pagbasa ni Ibarra n~g talaang iyón; doo'y wala ang pan~galan ni Elías.

=XLIX.=

=ANG TINGIG N~G M~GA PINAG-UUSIG.=

Tumutungtong si Ibarra sa bangca ni Elías bago lumubog ang araw. Tila mandin masama ang loob n~g binata.

--Ipatawad po ninyo, guinoo,--ani Elías, na may calungcutan pagcakita sa canya;--ipatawad po ninyong nacapan~gahas acong cayo'y anyayahan upang tayo'y magcatagpo n~gayon; ibig co po cayong macausap n~g boong calayaan, at hinirang po ang ganitong sandali sa pag-ca't walang macaririn~gig sa atin dito: macababalik tayo sa loob n~g isang oras.

--Nagcacamali cayo caibigang Elías,--ang sagot ni Ibarra na nagpupumilit n~gunit; kinakailan~gan cong ihatid ninyo aco sa bayang iyang natatanawan hanggang dito ang canyang campanario. Pinipilit aco n~g casaliwaang palad na gawin co ang bagay na ito.

--¿Nang casaliwaang palad?

--Opo; acalain po ninyong sa aking pagparito'y aking nacasalubong ang alferez, nagpipilit na ialay sa akin ang canyang pakikialakbay; sa akin po namang sumasa inyo ang alaala at natatalastas cong cayo'y canyang nakikilala, caya't n~g siya'y mangyaring aking mailayo'y sinabi cong patun~go aco sa bayang iyan at doon aco mananatiling maghapon, sa pagca't ibig acong hanapin n~g lalaking iyan bucas n~g hapon.

--Kinikilala co po sa inyong utang na loob ang inyong paglin~gap sa akin, datapuwa't sinabi po sana ninyo sa canya n~g boong catiwasayan n~g loob na siya'y sumama,--ang isinagot ni Elías na walang tigatig.

--¿Bakit? ¿at cayo po?

--Hindi po niya aco makikilala, sa pagca't sa miminsang pagcakita niya sa aki'y hindi macapag-iisip na pacatandaan niya ang aking anyo.

--¡Sinasama aco!--ang buntong hinin~ga ni Ibarra, na ang inaalaala'y si Maria Clara.--¿Ano po ba ang ibig ninyong sabihin sa akin?

Lumin~gap si Elías sa canyang paliguid. Malayo na sila sa pampang; lumubog na ang araw, at sa pagca't sa panig na ito n~g sinucob ay bahagya na tumatagal ang pagtatakip-silim, nagpapasimula na ang paglaganap n~g dilim at namamanaag na ang sinag n~g buwang sa araw na iyo'y cabilugan.

--Guinoo,--ang muling sinabi ni Elías, taglay co po ang mithi n~g maraming sawing palad.

--¿N~g maraming sawing palad? Ano po ba ang cahulugan n~g inyong sinasabi.

Sinabi sa canya ni Elías, sa maicling saysay, ang canyang pakikipagsalitaan sa pinuno n~g m~ga tulisan, n~guni't inilihim ang m~ga pag-aalinlan~gan at ang m~ga bala nito. Pinakinggan siyang magaling ni Ibarra, at n~g matapos na ni Elías ang canyang pagsasaysay, naghari ang isang mahabang hindi pag-imic n~g dalawa, hanggang si Ibarra ang naunang nagsalita:

--¿Sa makatuwid ay ang canilang nasa'y ...?

--Lubhang malaking pagbabagong utos tungcol sa m~ga hucbó, sa m~ga sacerdote, sa m~ga hucom na tagahatol, hinihin~gi nila, sa macatuwid ang isang paglin~gap--ama n~g pamahalaan.

--¿Pagbabagong sa paano?

--Sa halimbawa: magbigay n~g lalong malaking paggalang sa camahalan n~g bawa't tao, bigyan n~g lalong malaking capanatagan ang bawa't mamayan, bawasan n~g lacas ang hucbong may sandatana, bawasan n~g m~ga capangyarihang ang hucbong itong totoong madaling magpacalabis sa paggamit n~g m~ga capangyarihan iyan.

--Elías,--ang isinagot n~g binata,--hindi co po talos cung sino cayo, datapuwa't nahuhulaan cong cayo'y hindi isang taong caraniwan: ibang-iba po cayong umisip at gumawa cay sa m~ga iba. Matataroc po ninyo ang aking isipan cung sabihin co sa inyong cung maraming capintasan sa casalucuyang calagayan n~gayon n~g m~ga bagay, lalo n~g sasama cung magbago. Mapapagsasalita co ang aking m~ga caibigan sa Madrid, "bayaran lamang sila," macapagsasalita aco sa Capitan General; n~guni't walang magagawang ano man ang m~ga caibigan cong iyon; walang casucatang capangyarihan ang Capitan General na ito upang magawa ang gayong caraming pagbabago, at aco nama'y hindi gagawa n~g ano man upang macamtan ang ganitong m~ga bagay, palibhasa'y tanto cong totoo, na cung catotohanan mang may malalaking m~ga capintasang masasabi sa m~ga capisanang iyan, sa m~ga panahong ito'y sila'y kinacailan~gan, at sila n~ga ang tinatawag na isang casam-áng ang cailan~gan.

Sa malaking pangguiguilalas ni Elías ay tumunghay at pinagmasdan si Ibarra na malaki ang pagtataca.

--¿Cayo po ba nama'y naniniwala rin sa casam-áng cailan~gan?--ang tanong na nan~gan~gatal n~g caunting tinig;--¿naniniwala po ba cayong upang macagawa n~g magaling ay kinakailan~gang gumawa n~g masama?

--Hindi; ang paniniwala co sa casam-áng ang cailan~gan ay túlad sa isáng mahigpit na cagamutang ating guinagamit pagca íbig nating mapagalíng ang isáng sakít. Tingnán ninyó; ang lupaing ito'y isáng catawáng may dinaramdam na isáng sakít na pinaglamnán na, at n~g mapagalíng ang catawáng iyá'y napipilitan ang pamahalaang gumamit n~g m~ga paraang tunay n~ga't masasabi ninyóng napacatitigas at napacababan~gis, datapuwa't pinakikinaban~ga't kinacailan~gan.

--Masama pong manggagamot, guinoo, yaóng waláng hinahanap cung di ang cung anó ang m~ga dinaramdam at n~g marapa, na anó pa't hindi pinagsisicapang hanapin ang cadahilanan ó ang pinagmumul-án n~g sakít, at sacali't natatalastas man ay natatacot na bacahin. Ang tán~ging cauculan n~g Guardia Civil ay ito: paglipol n~g m~ga catampalasanang gawa sa pamamag-itan n~g lacas at n~g laguím sa pagpapahirap sa may sála, cauculáng hindi nasusunduan at hindi natutupad cung di cung nagcacataón lamang. At hindi dápat limuting caya lamang nacapaghihipit sa bawa't táo ang samahan, ang capisanan bagá n~g m~ga mamamayan, ay cung sacali't ibinibigáy na sa lahát ang lahát n~g m~ga kinacailan~gang gamit upang malubos ang cagalin~gan n~g caniláng m~ga asal. Palibhasa'y walang capisanan n~g m~ga mamamayan dito sa atin, sa pagca't hindi nagcacaisang loob ang bayan at ang pamahalaan, ang pamahalaang ito'y marapat na magpatawad sa m~ga camalian, hindi lamang dahil sa siya ma'y nagcacailan~gan din n~g m~ga pagpapatawad cung di naman sa pagca't ang taong canyang pinabayaa't hindi linin~gap ay hindi lubos nanagot sa casalanang canyang magawa, yamang hindi tumanggap n~g malaking caliwanagan ang canyang isip. Bucod sa rito, ayon sa inyong halimbawang bigay, ang guinagamít na gamót ay lubhang napacapangwasák, na anó pa't ang pinahihirapan lamang ay ang bahagui n~g catawang walang sakit, na pinapanghihina at sa ganito'y talagang inihahanda at n~g lalong madaling capitan n~g sakit. ¿Hindi po ba ang lalong magaling ay bigyang calacasan ang bahagui n~g catawang may sakít at bawasan n~g caunti ang caban~gisan n~g gamot?

--Cung pahinain ang capangyarihan n~g Guardia Civil ay ilalagay namán napan~ganib ang capanatagan n~g m~ga bayan.

--¡Ang capanatagan n~g m~ga bayan!--ang biglang sinabí ni Elías n~g boong capaitan. Hindî malaho't darating sa icalabinglimang taón mula n~g magca Guardia Civil ang m~ga bayang ito, at tingnan po ninyo: hangga n~gayó'y mayroon pa tayong m~ga tulisan, naririn~gig pa nating nilolooban ang m~ga bayan, nanghaharang pa sa m~ga daan; patuloy ang m~ga pan~gan~gagaw at pagnanacaw, na hindi napagsisiyasat cung sinosino ang m~ga gumagawa n~g gayon; nananatili ang m~ga casam-ang gawa, n~guni't lumalaya ang tunay na masamang tao, datapuwa't hindi gayon ang tahimik na mamamayan. Ipagtanong po ninyo sa bawa't mabuting táong namamayan cung canyang minamagaling ang Guardia Civil cung ipinalalagay niyang ito'y iisang tangkilik n~g pamahalaan, at hindi isang caloob na pilit, isang pamahalaang calupitang ang m~ga napapacalabis na m~ga gawa'y nacapagpapahirap pa n~g higuit cay sa m~ga catampalasanan n~g m~ga masasasamang tao. Tunay na n~ga't ang m~ga catampalasanang ito'y lubhang malalaki, n~guni't bihibihira lamang, at sa lahat n~g m~ga catampalasanang iya'y may capahintulitan ang sino mang macapagsanggalang; datapuwa't laban sa m~ga capaslan~gang gawa n~g m~ga Guardia Civil ay hindi itinutulot cahi't ang pagtutol man lamang, at cung hindi man sacali totoong malalaki n~guni't ang capalit nama'y sa tuwi-tuwi na at may capahintulutan ang m~ga pinuno. ¿Ano ang naguiguing bun~ga n~g Guardia Civil sa pamumuhay n~g ating m~ga bayan? Pinatitiguil ang pakikipanayam n~g bayan sa capuwa bayan, sa pagca't natatacot ang lahat na sila'y mapahirapan sa m~ga walang cabuluhang bagay; lalong tinitingnan ang m~ga pagtupad sa dacong labas at hindi pinagcucuro ang sumasadacong loob n~g m~ga bagay; unang pagpapakilala n~g casalatan sa caya; dahil sa nalimutan lamang n~g isang tao ang caniyang cédula personal ay guinagapos na't pinahihirapan, na hindi winawari cung ang taong iyo'y mahal at kinaaalan~ganan; inaacala n~g m~ga puno na ang canilang pan~gulong catungcula'y ang ibatas na sila'y pagpugayan n~g cusa ó sapilitan, cahit sa guitna n~g cadiliman n~g gabi, at sa bagay na ito'y tinutularan sila n~g canilang m~ga sacop upang magpahirap at man~gagaw sa m~ga taga bukid, at sa gayong gawa'y hindi sila nawawalan n~g sangcalan, wala ang pagpipitagan sa cadakilaan n~g tahanang bahay; hindi pa nalalaong sinalacat n~g m~ga guardia civil, na nan~gagdaan sa bintana, ang bahay n~g isang payapang mamamayan, na pinagcacautan~gan n~g salapi at n~g magandang loob n~g canilang puno; wala ang capanatagan n~g tao; pagca kinacailan~gan nilang linisin ang canilang cuartel ó ang bahay, sila'y lumalabas at canilang hinuhuli ang lahat n~g hindi lumalaban, upang pagawin sa boong maghapon; ¿ibig pa po ba ninyo? samantalang guinagawa ang m~ga cafiestahang ito'y nagpatuloy na walang bagabag ang m~ga larong bawal, n~guni't canilang pinatiguil n~g boong calupitan ang m~ga pagsasayáng pahintulot n~g may capangyarihan; nakita ninyo cung anó ang inisip n~g bayan tungcol sa canila, anó pô ang nacuha sa paglulubag n~g canyang galit upang umasa sa tapat na hatol n~g m~ga tao? ¡Ah, guinoó, cung ito po ang inyong tinatawag na pagpapanatili n~g cahusayan!....

Other books

100 Days by Mimsy Hale
Serving Pride by Jill Sanders
Byron in Love by Edna O'Brien
Unwanted Mate by Rebecca Royce
Condor by John Nielsen
Busted by O'Toole, Zachary
Mated by Ria Candro